Pumunta sa nilalaman

Kagawaran ng Repormang Pansakahan

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
Kagawaran ng Repormang Pansakahan
Department of Agrarian Reform
Inilunsad1 Setyembre 1971
KalihimConrado Estrella III
Salaping GugulinPHP1.762 bilyon (2008)[1]
Websaytwww.dar.gov.ph

Ang Kagawaran ng Repormang Pansakahan ng Pilipinas (Ingles: Department of Agrarian Reform, o DAR) ay isang kagawarang tagapagpaganap ng Pamahalaan ng Pilipinas na itinakdang magsagawa ng lahat ng mga programang reporma sa lupa (partikular ang repormang pansakahan) sa bansa, na may layuning itaguyod ang katarungang panlipunan at industriyalisasyon.

Nagtapos ang reporma sa lupa sa Pilipinas noong 1963 nang kinailangang likhain ang Pangasiwaan sa Lupa dahil sa Seksiyon 49 ng Batas Republika Blg. 3544, o ang Kodigo sa Pansakang Reporma sa Lupa (Agricultural Land Reform Code). Tinakdaan ang ahensiyang ito ng gawaing ipatupad ang mga panuntunan na nakalahad sa Batas Republika Blg. 3844 at nilikha noong 8 Agosto 1963. Binago ng Batas Republika Blg. 3844 ang kahanayan ng mga ahensiyang kaugnay sa mga takdang gawain na pang-reporma sa lupa at itinuwid ang kanilang mga kaatasan tungo sa pagkakamit ng mga karaniwang layunin ng programang pang-reporma sa lupa.

Noong 10 Setyembre 1971, nilagdaan ng dating Pangulong Ferdinand E. Marcos ang Batas Republika Blg. 6389 bilang batas, na kilala rin sa tawag na Kodigo ng Repormang Pansakahan ng Pilipinas (Code of Agrarian Reform of the Philippines). Ipinatutupad ng ika-49 Seksiyon ng batas na ito ang pagtatatag ng bagong kagawarang may sariling-kakayahan, ang Kagawaran ng Repormang Pansakahan, at epektibo itong pumalit sa Pangasiwaang Panlupa. Noong 1978, sa ilalim ng batasang porma ng pamahalaan, pinalitan ang pangalan ng DAR na naging Ministro ng Repormang Pansakahan.

Noong 26 Hulyo 1987, inorganisa ang kayarian at gawain ng departamento sa pamamagitan ng Kautusang Tagapagpaganap Blg. 129-A.

Noong 1988, nilagdaan ang Batas Republika Blg. 6657, kilala rin bilang Pinalawak na Batas sa Repormang Pansakahan (Comprehensive Agrarian Reform Law o CARL), at naging saligang-batas para sa pagpapatupad ng Pinalawak na Programa sa Repormang Pansakahan (Comprehensive Agrarian Reform Program o CARP). Isa ring itong batas na nagbubunsod sa CARP na may layuning itaguyod ang katarungang panlipunan at industriyalisasyon. Ibinibigay din ng RA 6657 ang isang mekanismo para sa pagpapairal nito. Nilagdaan ito ng dating pangulong Corazon C. Aquino noong 10 Hunyo 1988.

Noong 27 Setyembre 2004, nilagdaan ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo ang Kautusang Tagapagpaganap (Executive Order) Blg. 364, at muling pinangalan ang Kagawaran ng Repormang Pansakahan bilang Kagawaran ng Reporma sa Lupa. Pinalawak ng kautusang ito ang sakop ng kagawaran, na nagtatakda ng pangangamahala para sa lahat ng mga pagbabagong panglupain sa bansa. Ito rin ang naglalagay sa Komisyon sa Urbanong Mahihirap ng Pilipinas (Philippine Commission on Urban Poor o PCUP) sa ilalim ng pangangasiwa at kapangyarihan nito. Naging sakop din ng pangangasiwa ng bagong departamentong ito ang pagkilala sa pagmamay-ari ng dominyong makaninuno ng mga katutubong mamamayan, sa ilalim ng Pambansang Komisyon sa mga Katutubong Mamamayan (National Commission on Indigenous Peoples o NCIP).[2]

Noong 23 Agosto 2005, nilagdaan ni Pangulong Arroyo ang Kautusang Tagapagpaganap Blg. 456, at muling pinangalanan ang Kagawaran ng Reporma sa Lupa pabalik sa dating pangalang Kagawaran ng Repormang Pansakahan, sapagkat "sumasakop ang Batas ng Komprehensibong Repormang Pansakahan hindi lamang sa reporma sa lupa kundi maging sa kabuoan ng lahat ng mga nauugnay at sumusuportang palingkurang dinisenyo upang iangat ang katayuang pangkabuhayan ng mga tatanggap ng benepisyo."[3][4]

Tala ng mga Kalihim/Ministro ng Repormang Pansakahan

[baguhin | baguhin ang wikitext]

(*) Pansamantalang Tagapamalakad (**) Ad Interim

Bilang Pangalan Buwang nagsimula Buwang nagtapos Pangulong pinaglingkuran
Kalihim ng Repormang Pansakahan
1 Condrado F. Estrella Setyembre 10, 1971 Hunyo 1978 Ferdinand Marcos
Ministro ng Repormang Pansakahan
Conrado F. Estrella Hunyo 1978 Pebrero 25, 1986 Ferdinand Marcos
Pebrero 25, 1986 Abril 30, 1986 Corazon Aquino
Kalihim ng Repormang Pansakahan
2 Heherson T. Alvarez Mayo 1, 1986 Marso 7, 1987 Corazon C. Aquino
3 Philip Ella Juico Hulyo 23, 1987 Hulyo 1, 1989
4 Miriam Defensor-Santiago Hulyo 20, 1989 Enero 4, 1990
5 Florencio B. Abad Enero 4, 1990 Abril 5, 1990
6 Benjamin T. Leong Abril 6, 1990 Hunyo 30, 1992
7 Ernesto D. Garilao Hunyo 30, 1992 Hunyo 30, 1998 Fidel V. Ramos
8 Horacio R. Morales Hunyo 30, 1998 Enero 20, 2001 Joseph Ejercito Estrada
Enero 20, 2001 Pebrero 11, 2001 Gloria Macapagal-Arroyo
9 Hernani A. Braganza Pebrero 12, 2001 Enero 15, 2003
10 Roberto M. Pagdanganan Enero 20, 2003 Enero 20, 2004
* Jose Mari B. Ponce Pebrero 20, 2004 Agosto 24, 2004
11 Rene C. Villa Agosto 26, 2004 Setyembre 27, 2004
Kalihim ng Reporma sa Lupa
Rene C. Villa Setyembre 27, 2004 Hulyo 8, 2005 Gloria Macapagal Arroyo
12 Nasser C. Pangandaman Hulyo 8, 2005 Agosto 23, 2005
Kalihim ng Repormang Pansakahan
Nasser C. Pangandaman Agosto 23, 2005 Hunyo 30, 2010 Gloria Macapagal Arroyo
13 Virgilio Gil R. de los Reyes Hunyo 30, 2010 Hunyo 30, 2016 Benigno S. Aquino III
** Rafael V. Mariano Hunyo 30, 2016 Setyembre 6, 2017 Rodrigo Roa Duterte
* Rosalina Bistoyong Setyembre 12, 2017 Nobyembre 30, 2017
14 John Castriciones Disyembre 1, 2017 Oktubre 8, 2021
* Bernie F. Cruz Oktubre 28, 2021 Hunyo 20, 2022
David D. Erro (OIC) Hunyo 22, 2022 Hunyo 30, 2022
15 Conrado Estrella III Hunyo 30, 2022 Kasalukuyan Bongbong Marcos

Mga sanggunian

[baguhin | baguhin ang wikitext]
  1. Salaping Gugulin ng Kagawaran ng Repormang Pansakahan-2008[patay na link]
  2. "Kautusang Tagapagpaganap Blg. 364". Inarkibo mula sa orihinal noong 2009-05-24. Nakuha noong 2008-08-02.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  3. "Kautusang Tagapagpaganap Blg. 456". Inarkibo mula sa orihinal noong 2010-01-10. Nakuha noong 2008-08-02.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  4. Salin mula sa Ingles na: "the Comprehensive Agrarian Reform Law goes beyond just land reform but includes the totality of all factors and support services designed to lift the economic status of the beneficiaries."

Mga kawing panlabas

[baguhin | baguhin ang wikitext]